DUBAI --Kasabay ng pag-angkin sa kanilang pang apat na sunod na panalo, kinuha rin ng Nationals ang isang semifinals ticket.
Bumawi ang Smart Gilas Pilipinas buhat sa isang 15-point deficit para hiyain ang mas malakas at malalaking Al Jazeera ng Egypt, 82-78, sa quarterfinal round ng 21st Dubai Invitational kagabi dito sa Al Ahli Indoor Stadium.
Makakasagupa ng Smart Gilas sa semis ang Al Riyadh ng Lebanon na tumalo naman sa kababayan nilang Champville, 74-67.
“We were coming from 15 points down and zone give us a lot especially in the third quarter and they made three triples at the end of the period. I changed to man-to-man because they put a big guy and we could not control his outside shot,” ani Serbian coach Rajko Toroman.
Kumabig si Mac Baracael ng 24 points, tampok rito ang isang fade away jumper na tumiyak sa tagumpay ng Nationals sa Al Jazeera.
Tumipa naman si team captain Chris Tiu ng lima sa kanyang anim na freethrows sa huling 14.8 segundo upang kumpletuhin ang pagbangon ng Nationals galing sa isang 15-point deficit.
Nag-ambag si Fil-Am guard Marcio Lassiter ng 10 marka, kasama rito ang dalawang tres.
Sinalo naman ni Jason Ballesteros ang trabaho ni 6-foot-11 import Jamal Sampson na nagkaproblema sa kanyang sumasakit na tuhod, nang humatak ng 7 points. (Joey Villar)