Serena nakalusot sa 1st round sa Aussie Open

MELBOURNE, Australia--Napagwagian ni defending champion Serena Williams ang kanyang first-round match sa Australian Open ma­karaang igupo si Urszula Radwanska ng Poland, 6-2, 6-1.

Naging mabilis ang pa­nimula ni Williams, ang top-ranked sa tournament, lumaro sa Rod Laver Arena kung saan kanyang tinalo si Dinara Safina noong naka­raang taong final laban sa Polish player, binasag ang kanyang serbisyo sa first ga­me at hinawakan ang sari­ling kalamangan sa 2-0.

Sumunod na naipanalo ni Williams ang kanyang ikaapat na match point nang si Radwanska ay tumira ng backhand na tumama sa net.

Lumaro ang 28-anyos na si Williams na nababalutan ng puting bandage ang palibot ng kanyang kanang hita at nitong nakaraang linggo ay sinabi niyang nababahala siya sa kanyang injury sa kaliwang tuhod na natamo sa Sydney International.

Nakabangon naman si Je­lena Jankovic mula sa mabagal na panimula upang patalsikin si Monica Niculescu ng Romania, 6-4, 6-0.

Sa isa pang laro, tinalo ni Ana Ivanovic si Shenay Perry, 6-2, 6-3.

Show comments