Patriots ibabangon ni Freeman kontra Tigers
MANILA, Philippines - Sa pagdating ni dating PBA import Gabe Freeman, umaasa ang Philippine Patriots na mawakasan ang kanilang dalawang dikit na kamalasan sa pakikipagsagupa sa Thailand Tigers ngayon kung saan nasa krusyal na yugto ang karera para sa top spot ng ASEAN Basketball League (ABL) sa Nimibutr National Stadium sa Bangkok, Thailand.
Bahagyang nagkaroon ng pahinga ang 6-foot-6 na si Freeman matapos na dumating sa Manila nitong Biyernes ng gabi kung saan umalis naman ang Patriots patungong Bangkok via Kuala Lumpur kahapon para sa kanilang nakatakdang laban ngayong alas-4 ng hapon sa Tigers.
Bagamat hindi sila umaasa na nasa magandang kundisyon si Freeman, naniniwala naman sina coach Louie Alas at team manager Erick Arejola na magiging maganda ang paglalaro ng dating San Miguel import para sa Patriots.
“He’s still young, so I believe he can be of help to the team despite his jetlag,” wika ni Arejola, na nagdiwang ng kanyang ika-29th kaarawan nitong Biyernes ng gabi. “We really need his help.”
Pinalitan ni Freeman, pinangunahan ang San Miguel sa pagsikwat ng kanilang ika-18th championship noong nakaraang season, si Brandon Powell na hindi naging epektibo sa Patriots.
At sa 24 games na kanyang inilaro sa PBA Fiesta Conference, nagtala si Freeman ng average na 23 points at 15.5 rebounds at nagposte rin siya ng 22 double-double performances.
Si Freeman ay makakakuha ng suporta mula sa isa pang import--ang 6-foot-9 na si Jason Dixon, na nasa tamang porma matapos na maglista ng double-double performance ng walong beses sa huling 10 laro ng koponan.
Inaasahan namang magtatrabaho sa loob sina Nonoy Baclao at Elmer Espiritu upang tulungan sina Freeman at Dixon para maipanalo ang Patriots.
- Latest
- Trending