Morales tutulungan ni Donaire Sr.
MANILA, Philippines - Matapos ang 19-anyos na si "Marvelous" Marvin Sonsona, ang 21-anyos namang si Ciso "Kid Terrible" Morales ang tutulungan ni Filipino trainer Nonito Donaire, Sr. na maging isang world boxing champion.
Nakatakdang hamunin ni Morales si Mexican Fernando Montiel para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown sa Pebrero 13 sa "Pinoy Power 3/Latin Fury 13" sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
"Morales is a fighter and someone who listens and his family is backing him up," wika ni Donaire kay Morales. "He has a good punching power but needs to throw combinations which is what we are working on right now."
Ibinabandera ng tubong Talibon, Bohol ang malinis na 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 8 KOs, kumpara sa matayog na 39-2-2 (29 KOs) card ng 33-anyos na si Montiel.
Nakatakdang magtungo ngayong araw ang Team Morales patungong Los Angeles, California upang paigtingin pa ang kanilang paghahanda sa Kennel Gym sa San Carlos, California.
Kumpiyansa si Donaire, ama ni world flyweight titlist Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr., na magiging isang world champion rin si Morales matapos si Sonsona na umagaw sa WBO super flyweight belt ni Puerto Rican Jose "Carita" Lopez via unanimous decision noong Setyembre 4.
Bunga ng mabilis na paglaki ni Sonsona, hindi ito nakapasa sa weigh-in ng kanilang upakan ni Alejandro Hernandez noong Nobyembre 21 na nagresulta sa pagkakahubad sa kanyang WBO title.
Inangkin naman ni Morales ang bakanteng WBO Oriental at WBO Asia-Pacific Youth super bantamweight titles nang talunin si Indonesian Marangin Marbun via unanimous ten round decision noong Pebrero 9, 2008 kasunod ang tatlong matagumpay na pagdedepensa.
Isang eight-round majority decision ang kinuha ni Morales laban kay Miguel Angel Gonzalez Piedras noong Nobyembre 21 sa Casino Rama sa Ontario, Canada. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending