POC at PSC magkaiba ang panuntunan pero kapwa para sa sports
MANILA, Philippines - Kumpara sa panahon ni William "Butch" Ramirez, hindi na-ging maganda ang 'pagsasama' nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr.
Bago pa man pormal na mailuklok ng Malacañang noong Enero 25 ng 2009 bilang kapalit ni Ramirez sa PSC top post, inasahan nang magiging 'magulo' ang relasyon nina Angping at Cojuangco.
Si Angping, dating pangulo ng softball association, ang pang walong PSC head matapos sina Cecilio G. Hechanova (1990-92), Aparicio H. Mequi (1992-93), Gemiliano C. Lopez Jr. (1993-96), Philip Ella Juico (1996-98), Carlos D. Tuason (1998 to 2001) at Ramirez (2005-2009).
Ang tambalan nina Ramirez at Cojuangco ay nagresulta sa pagiging overall champion ng bansa sa 2005 Philippine SEA Games.
Una na rito ay ang pagiging chief campaigner ni Angping kay Presidential, half-brother Art Macapagal ng shooting association na tinalo ni Cojuangco, 21-19, sa POC presidential election noong Nobyembre ng 2008 para sa kanyang ikalawang termino bilang POC chief.
Hindi rin pinagkasunduan nina Angping at Cojuangco ang pagputol ng una ng suporta sa mga Fil-American athletes.
At ang pinakahuli ay ang pakikialam ni Angping sa pagpili ng mga national athletes na ilalahok sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Vientiane, Laos noong Disyembre 9-18.
“We understand the PSC must have their say because they give funding to the athletes but it’s really the POC who has the authority to send athletes and lay down the programs under our charter. We’re grown up enough and can work things out," ani Cojuangco.
Sinuportahan ng PSC ang napili nilang 153 atleta, samantalang pinondohan naman ng POC ang idinagdag nilang 98 atleta para sa 2009 Laos SEA Games.
Nag-uwi ang Team Philippines ng kabuuang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals sa naturang biennial event para magtapos bilang fifth-placer at tabunan ang pagiging sixth-placer noong 2007 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
"In retrospect, I am very overwhelmed with the accomplishments of our athletes," ani Angping sa mga atleta. "They have performed beyond my expectation. Pinakita nila na ang atletang Pinoy ay di aatras sa anumang laban."
Bilang pagsunod sa Cash Incentives Act, naglatag ang PSC ng kabuuang P3.8 milyon para sa 38 gold medalists kung saan ang bawat isa ay tumanggap ng tig-P300,000, habang P100,000 at P50,000 para sa silver at bronze medal winners, ayon sa pagkaksunod.
Para sa 2010, pagha-handaan naman ng PSC at ng POC ang 2010 Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
“They will be facing better financially supported and trained athletes that we have to give them the same treatment to level the field. Sheer talent alone in the Asian Games may not be enough,” ani Cojuangco sa mga atleta.
Isang ‘lean and mean’ delegation naman ang muling susuportahan ng komisyon para sa naturang quadrennial event, ayon kay Angping.
“We have proven that we can win gold medals using a lean but mean delegation and the formula we used here in Laos will be used again in the Asian Games,” ani Angping.
Para sa gold medal winner sa 2010 Guangzhou Asiad, naghanay ang PSC ng cash reward na P2 milyon, ang P1 milyon rito ay mula sa Incentives Act. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending