MANILA, Philippines - Kinailangan ng Ginebra ng kabayanihan nina Enrico Villanueva at ng beteranong si Johnny Abarrientos sa endgame upang makumpleto ang pagbangon ng Gin Kings mula sa 12-point deficit tungo sa 101-97 panalo kontra sa Rain Or Shine sa pagdako ng aksiyon sa Tacloban Convention Center sa Tacloban City.
Binasag ni Enrico Villanueva ang 97-pagtatabla ng iskor sa kanyang tip-in mula sa nagmintis na basket ni Cyrus Baguio at naka-steal naman si Abarrientos kay T.Y Tang na nakuhanan niya ng foul para sa kanyang dalawang free-throw na sumelyo ng kanilang 23-7 run mula sa 78-90 deficit, .8 of a second na lamang ang oras na natira.
Nakisalo ang Gin Kings sa 8-4 record sa defending champion Talk N Text at Purefoods habang nalaglag ang Rain Or Shine sa 3-9 kartada.
Samantala, magpapatuloy ang aksyon ngayon sa Araneta Coliseum kung saan hangad ng Purefoods ang ikaapat na sunod na panalo laban sa San Miguel Beer na nais namang makabangon sa kabiguang sumira ng kanilang 9-game winning streak.
Alas-6:30 ng gabi ang sagupaan ng ng TJ Giants at SMBeer pagkatapos ng engkwentro ng Burger King at kulelat na Coca-Cola. Layunin ng Purefoods na makakalas sa pakikisalo sa 8-4 record sa defending champion Talk N Text upang masolo ang third place habang sisikapin naman ng SMBeer na makabangon sa nakaraang 116-122 pagkatalo sa Alaska sa isang overtime game. Umaasa si coach Ryan Gregorio na magiging consistent ang kanyang mga player sa opensa upang maiwasan na malagay sa alanganin tulad ng nangyari sa kanila sa huli nilang panalo.
Naglaho ang naipundar nilang 21-puntos na kalamangan sa first half at dahil sa kabayanihan ni James Yap sa endgame ang nagligtas sa bingit
ng kabiguan sa TJ Giants.
Ginebra 101 --Menk 21, Tubid 17, Salvacion 17, Baguio 9, White 8, Villanueva 7, Wilson 6, Mamaril 4, Alvarez 4, Intal 0.
Rain Or Shine 97 -- Norwood 22, Araña 17, Cruz 15, Chan 11, Tang 10, Laure 8, Reyes 6, Dulay 3, Hrabak 3, Ibañes 2, Telan 0.
Quarterscores: 21-21; 48-48; 73-79; 101-97.