Cowboy Stadium interesado sa Mayweather-Pacquiao fight venue

MANILA, Philippines - Seryosong kinokonsi-dera ang Cowboys Stadium sa Dallas Texas na venue ng megafight nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Sa katunayan, magpapadala ang Top Rank ng survey team sa Dallas sa susunod na linggo upang tignan ang bagong $1.2 bil­lion stadium,” ayon sa Associated Press.

Sa katunayan seryoso ang Cowboys team owner na si Jerry Jones na i-host ang pinakaabangang laban ng dalawang maiinit na boxers sa ngayon at han-da itong gawin ang lahat para ganapin sa kanyang 80,000-seater stadium.

“We are still desirous of looking at what we can do,” ani Jones na ilang beses nang kinausap si Bob Arum ng Top Rank ukol sa pagho-host ng laban.

Gayunpan, kinokonsi-dera pa rin ang New Orleans Superdome at ang Las Vegas.

Nagbi-bid pa rin ang MGM Grand na pinagda-usan ng huling malalaking laban nina Pacquiao at Mayweather.

May panukala ring temporary outdoor stadium sa Las Vegas Strip.

Base sa mga huling kalkulasyon ng mga boxing experts, inaasahang mahigit sa $50 milyon ang kikitain ni Pacquiao.

Dahil inaasahang papatok ang labang ito, hihigitan nito ang mga kita ng malalaking laban.

Base sa huling laban ni Pacquiao kontra kay Miguel Cotto na pinabagsak niya via TKO sa ika-12 round, kumita ito ng $20 milyon sa pay-per-view ng HBO bukod pa sa kanyang $7 milyong fight purse at siguradong mas malaki ang kikitain niya sa labang ito.

Sinasabing kikita ang labang ito ng $80 milyon sa pay-per-view at dahil balitang nagkasundo sa 50-50 split ang dalawang boxers, $40 milyon ang posibleng makuha ni Pacquiao bukod pa sa guaranteed purse na inaasahang magkakahalaga ng $10 milyon.

Bukod pa rito ang kikitain sa ticket sales at mga sponsors.

Mahigit isang bilyon ang kinita ni Pacquiao sa kanyang nakaraang laban at inaasahang higit pa sa doble ang matatanggap niya sa labang ito. (Mae Balbuena)

 

Show comments