Arcilla maagang nagparamdam
MANILA, Philippines - Bitbit ang higit na karanasan, nagpakita ng pruweba si defending champion Johnny Arcilla nang dispatsahin niya ang baguhang si Nick Magaway, 6-1, 6-0, sa panimula kahapon ng men’s singles sa 28th Philippine Columbian Association (PCA) Open sa PCA indoor shell-clay courts sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Tamang atake ang naging panimula ng 28 anyos na si Arcilla para maagang wakasan ang kampanya ni Magaway na tumagal lamang ng kulang isang oras.
“May palo naman siya (Ma-gaway), medyo kinabahan lang siguro dahil seniors na ang nakakalaban niya,” wika ni Arcilla.
Ang 18 anyos na si Ma-gaway ang kasalukuyang top seed sa juniors class.
Makakaharap ni Arcilla si Niño Salvador na tumalo naman kay Terence Estrope, 6-2, 6-3, noong Lunes.
Nagparamdam din ng kanilang presensiya sina second seed Patrick John Tierro at third pick Elbert Anasta makaraang igupo ang kani-kanilang kalaban.
Pinagretiro ni Tierro si PHILTA vice president Randy Villanueva, 6-1, 2-0 habang pinadapa ni Anasta si Keff Gamana, 6-0, 6-1.
Ang iba pang mga nagwagi sa panimulang araw ng torneo ay sina No. 4 Celestino Solon, na tinalo si Roderick Agna, 7-6 (8), 6-0, at No. 5 Ralph Kevin Barte, na pinalo naman si Richard Inciong, 6-2, 6-1.
Dinaig naman ni 7th pick Roland Joven si Charlie Niu, 6-1, 6-2, habang niyurakan ni No. 8 Rolando Ruel Jr. si Rommel Opiniano, 6-0, 6-2.
Pinatalsik naman ni Fil-Am Lawrence Formentera si Alberto Villamor, 6-1, 6-1; nanalo si Roland Kraut kay Ronald Dazo, 7-6 (4), 6-2; pinayukod ni Chris Cuarto si Johnwill Baldonado, 6-2, 6-2; namayani si Kyle Cordero kay Isidore Lascuna, 6-0, 6-0; at naungusan ni Kenneth Salvo si Miguel Narvez, 6-4, 6-4.(SNFrancisco)
- Latest
- Trending