^

PSN Palaro

MAMBABATAS SA SPORTS

GAME NA - Bill Velasco -

Manaka-naka nating natutunghayan ang mga mambabatas natin na gumagawa ng pagdinig sa mga problema sa sports. Subalit ano na ba ang batas na isinilang sa lahat ng mga hearing na ito?

Marami ang problema sa kasaulukuyang sistema. Una, hindi nirerespeto ng mga inaanyayahan ang kakayahan ng ating mga mambabatas sa dalawang kapulungan, kaya madalas, ang ibang iniimbita ay hindi man lang sumisipot. Pangalawa, karamihan sa ating mga kongresista ay dalubhasa sa mga ibang larangan, hindi sa sports. At higit sa lahat, matapos ang isa o dalawang pagdinig sa harap ng mga camera, naglalaho na ang isyung pinag-uusapan.

Di rin naman natin masisisi ang ating mga lehislador. Sa kani-lang trabaho, kailangan nilang maintindihan ang lahat ng bagay, o karaniwa'y umaasa sa mga tauhan nilang pareho din ang pinagmulan, o kaya'y mga baguhan. At kung ang nakaluklok na chairman ng sports committee sa senado o kongreso ay hindi mahilig sa sports, walang mangyayari.

Ang kailangan ay isang grupo ng mga sportsman na uungkatin ang mga tunay na isyu sa sports, at magsisipag na ayusin ang mga suliranin dito. Tayo lang ang bansa sa mundo kung saan ang sports ay hawak ng pribadong sektor (national sports associations sa ilalim ng Philippine Olympic Committee), habang ang salapi ay nasa kamay ng gobyerno (Philippine Sports Commission). Lalo na sa mga nakaraang buwan, lumikha ang situwasyong ito ng away sa pagitan ng dalawang ahensya.

Isa pa, ang pakay ng mga halal na kongresista ay alagaan ang kanilang mga botante. Ibig sabihin, ang sarili nilang lugar ang aalagaan nila.

Samantala, ang mga sari-saring party-list ay nagbabantay sa kani-kanilang sektor ng lipunan. Sa madaling sabi, napag-iiwanan ang sports, bagamat bilyong piso na ang nawawala dito.

Gamitin na natin ang halimbawa ng sarili nating pamahalaan. Tatlo ang sangay nito: ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Sa sports, dalawa ang naghihilahan. Walang majority. Kailangan ng mamamagitan.

"The National Government, through the years, has been taking our athletes for granted, has been unsupportive and insensitive in their needs… thus, our athletes, with passion and determination still shower our country with awards and recognitions, defeating developed and 1st-world countries…"

Iyan ay galing sa Facebook page ng PBA Party-list, Partido ng mga Bayaning Atleta, ang kaisa-isang kilalang sports party-list. Inilunsad noong 2007 sa tulong ni Manny Pacquiao at inindorso ng maraming tanyag na atleta, huling pumasok sa eleksyon ang partido noon. Ngayon, anila'y mas maaga silang nakapaghanda.

"Marami talagang isyu na nakakasakit sa mga atleta natin, kasama pa ang katiwalian at kakulangan ng pansin sa sports," pag-amin ni Dave Chua, sa mga nagsimula ng partido. "Ngayon, nananawagan kami sa mga nagmamahal sa sports na sumuporta sa amin sa 2010. Ipinaglalaban tayo ng mga atleta. Sino naman ang lumalaban para sa kanila?"

Sisiyasatin ng PBA Party-list ang mga problema ng sports, at hahanapan ng solusyon. Mamamagitan sila sa hidwaan ng POC at PSC, at tutulong sa paghanap ng pondo na makatutulong sa sports. Dagdag pa rito, mababawasan ng trabaho ang mga mambabatas na hindi talaga nakakaintindi sa sports. Walang ibang makagagawa nito sa mababang kapulungan.

Marahil, panahon na.

BAYANING ATLETA

DAVE CHUA

MARAMI

NATIONAL GOVERNMENT

NGAYON

PHILIPPINE OLYMPIC COMMITTEE

PHILIPPINE SPORTS COMMISSION

SPORTS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with