MANILA, Philippines - Sa kabila ng kabiguan kay world featherweight champion Steven Luevano noong Agosto 15, nabigyan pa rin si Filipino Bernabe Concepcion ng malaking laban ng Top Rank Promotions.
Itinapat ni Bob Arum ng Top Rank si Concepcion kay World Boxing Association (WBA) World featherweight titlist Yuriorkis Gamboa ng Cuba sa Enero 23, 2010 sa Puerto Rico.
"Yuriorkis is going to fight Bernabe Concepcion and we're going to take Juan Manuel to California to have the nutrionist look at him and see if he's hurting himself going down to 122. If he is, we'll move him right away to 126," ani Arum sa laban nina Gamboa at Concepcion pati na ang kanyang plano kay World Boxing Organization (WBO) super bantamweight king Juan Manuel Lopez. "
Matatandaang natalo si Concepcion kay Luevano via disqualification sa seventh round ng kanilang title fight para sa WBO featherweight crown na suot ng huli sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Inupakan pa rin ng 21-anyos na si Concepcion ang 28-anyos na si Luevano kahit na tumunog na ang bell na naging dahilan ng kanyang disqualification sa round seven.
Kasalukuyang tangan ng 27-anyos na si Gamboa ang matayog na 16-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs kumpara sa 27-3-1 (15 KOs) ni Concepcion.
"I want to face whoever thinks that they're better than me," ani Gamboa matapos ang kanyang fourth-round TKO kay Whyber Garcia noong Linggo sa Madison Square Garden sa New York City. "I want to prove that I'm the best in the world."
Bago mabigong maagaw ang WBO belt ni Luevano, sumakay muna si Concepcion ng Virac, Catanduanes sa isang 20-fight winning streak. (Russell Cadayona)