Anak ni Tac nagpakitang-gilas

MANILA, Philippines - Sa araw na lumasap ng dalawang kabiguan ang reigning pistol champion na si Nathaniel Tac’ Padilla, ang anak naman nito na si Mica ang naglista ng tagumpay sa 2009 National Shooting championship sa PSC range sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Linggo.

Ang High school senior mula sa Assumption na si Mica ay nagpakita ng husay sa pagputok sa women’s sports pistol nang gumawa ito ng 537 puntos.

Ang ipinamalas ng 15 anyos na si Mica ay nagresulta upang matalo nito ang paboritong si Shanin Gonzales (531) at Elvie Baldovino (512) para makuha ang gintong medalya sa nasabing kategorya.

Si Mica na isang fourth year mag-aaral sa Assumption College ay nakapasok na sa Laos SEA Games dahil ang kanyang 537 ay lampas na sa criteria.

 “Masaya ako dahil ito ang una kong panalo sa isang national event,” wika ng batang Padilla na makakasama ng kanyang ama na si Nathaniel sa Laos matapos makuha ng nakatatandang Padilla ang puwesto sa men’s sports pistol.

Magkakaroon pa si Mica na maipakita ang kanyang angking galing sa paglahok sa Asian Shooting Championships sa Bangkok, Thailand mula Nobyembre 1 hanggang 8.

Ito naman ang ika-16th paglalaro ni Padilla sa SEA Games at ang bagay na ito ang nagsantabi naman sa di magandang ipinakita sa men’s standard pistol at air pistol events.

Kinapos si Padilla ng six puntos kay Ronald Hejastro para sa standard pistol sa naitalang 550 habang pumangatlo lamang sa air pistol  sa nagawang 555 puntos kasunod nina Carolino Gonzales (567) at Mark Lorenz Manosca (558).

Ang ibang nagsipanalo sa kompetisyong inorganisa ng Philippine National Shooting Association ay sina Maika Lacson Eddie Tomas, Joseph Lacanlale, Ariel Canton, Brian Sto. Domingo at Bert Espiritu.


Show comments