Boxing career ni Peñalosa 'di pa tapos
MANILA, Philippines - Hindi pa tapos ang boxing career ni dating two-division world champion Gerry “Fearless” Peñalosa.
Ipinag-utos kahapon ni World Boxing Organization (WBO) president Francisco “Paco” Valcarcel ang dalawang bantamweight eliminators kung saan makakasama ang 37-anyos na si Peñalosa, may 54-7-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs.
“It is in the WBO’s interest for there to be only one (WBO) champion in each division,” pahayag ni Valcarcel sa panayam ng ESTO.
Ang mananalo sa naturang dalawang eliminators ang magkikita sa susunod na taon para sa mababakanteng WBO bantamweight crown.
Ayon kay Valcarcel, hindi na niya mahihintay ang patuloy na pagpapaliban sa pagdedepensa ni Fernando Montiel laban kay Eric Morel ukol sa kanyang suot na WBO bantamweight belt.
Umurong si Montiel sa kanyang title defense kay Morel na nakatakda sa Nobyembre 14 matapos magkaroon ng sugat sa kanyang nakaraang laban kay Alex Valdez.
Bunga nito, ipinag-utos ni Valcarcel kay Montiel na idepensa nito ang kanyang hawak na WBO bantamweight title laban kay Peñalosa, binitawan ang WBO bantamweight title para hamunin si WBO super bantamweight king Juan Manuel Lopez sa Disyembre.
Ang mananalo sa pagitan nina Montiel at Peñalosa, naghari rin sa World Boxing Council (WBC) super flyweight class, ang lalaban naman sa mana-naig kina Morel at Z “The Dream” Gorres para sa lehitimong WBO crown sa 2010.
Ang nasabing upakan nina Morel at Gorres ay kabilang sa undercard ng ‘Firepower” nina Manny Pacquiao at Miguel Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending


















