Alcano kampeon sa 8-Ball sa Texas
MANILA, Philippines - Kaalinsabay ng pag-ani ng tagumpay ni Efren “Bata” Reyes, isa pang Pinoy ang pumaibabaw sa larangan ng bilyar.
Ginupo ng buong talas, pinayuko ni Ronnie Alcano ang former world champion Johnny Archer sa 8-ball division ng Galveston Classic Billiards Extravaganza na tumapos sa 9-5 upang pagharian ang Moody Gardens Hotel and Convention Center sa Galveston City, Texas.
Ito ang unang major title ni Alcano sa nakalipas na dalawang taon o sapul nang mapagwagian ang World 8-Ball Championship noong Marso 2007 na nagtanghal sa kanya sa kasaysayan ng pool bilang ikatlong player na naging double world champion.
Maagang nagparamdam si Alcano, nang agad kunin ang 3-0 bentahe.
Sinubukang makahabol, naitabla ni Archer ang laban sa 4-all nang pamayanihan ang limang sumunod na racks, ngunit agad na pinigilan ni Alcano ang napi-pintong pagbawi ng Kano nang sarguhin ang panalo sa mga sumunod pang racks.
Tinapos ni Alcano ang laban sa pamamagitan ng kanyang 14th frame upang iselyo ang tagumpay at iuwi ang $15,500 papremyo.
Binati ni Senator Villar, ang number one supporter ng billiard sina Alcano at Reyes dahil sa kanilang tagumpay.
“Ronnie and Efren once again proved that we Filipinos are really a dominant force in billiards. Their victories further inspired me to support this sport, which I’ve been saying is really suited for the Filipinos,” ani Villar, kilalang ‘ninong’ ng billiard sa bansa. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending