Importanteng panalo asam ng SBC at Arellano
MANILA, Philippines - Mainit ang mata sa ikalawang Final Four berth, pupuntiryahin ng reigning three peat champion na San Beda ang panalo habang matalas rin ang titig ng Arellano U sa tagumpay upang mapanatiling buhay ang tiket sa semis ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Magtatagpo sa ganap na alas-kwatro ng hapon, magkakasukatan ang Red Lions at Chiefs kung sino ang mas matatag.
Nagbuhat sa panalo kontra Perpetual Help noong Biyernes, layunin ng Lions na maituloy ang momentum ng grupo at huwag makalayo sa anino ng San Sebastian Stags na patuloy ang pamamayagpag sa imakulada nitong baraha makaraang pabagsakin ang Mapua Cardinals, 101-65.
Kumpiyansa sa bilis at diskarte ng kanyang bata, tutumbukin ng tropa ni Frankie Lim ang muling pag-arangkada nito tulad noong 2006 kung saan namayani sila sa loob ng 14 na sunod na matches.
“The game plan is to always come out aggressive at the start of the game and not give them a chance,” anang coach na humalili kay Koy Banal..
Sinangkalan ang husay nina Garvo Lanete at American Sudan Daniel, kumolekta ang una ng 20 points, 6 assists, 3 rebounds at 2 steals habang naglista naman ang huli ng 14 points, 10 caroms at 7 blocks para sa naturang pananaig.
Ngunit hindi rito natapos ang talento ng dalawa nang bumulsa pa ng 17 points, 8 boards at 4 blocks ang 6’8 na si Daniel para humugot ng solidong pwersa katuwang si Lanete na nag-ambag rin ng impresibong 15 points, career best 12 rebounds at 3 assists kontra Perpetual.
Sa kabilang banda, tatrabahuhin ng todo naman ng Arellano ang pagpasok sa Final Four sa pamamagitan ng pagsungkit ng panalo.
Kasalukuyang nakalugar sa No. 5, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Chiefs na makakabawi at masisikwat ang ikaapat na silya.
“I keep telling my players there’s still hope and just keep on fighting,” wika ni Arellano U mentor Junjie Ablan.
Sa iba pang laro, importanteng laban ang nararapat maipanalo ng St. Benilde, may 4-8 baraha, para maipaglaban ang kontensyon sa Final Four, sa pamamagitan ang paglampaso sa Emilio Aguinaldo sa pang-alas dos na bakbakan. (Sarie Nerine Fracisco)
- Latest
- Trending






















