MILAN, Italy--Tuluyan nang natabunan ng ulap ang kampanya ng bansa sa 15th AIBA World Boxing championships nang yumuko si Featherweight Charly Suarez, ang huling baraha ng Team Philippines, sa mas magaling na kalaban sa Mediolanum Forum dito.
Naiwan na solong magbibitbit ng Pambansang kulay matapos mapatalsik ang apat pang kababayan, nilasap ni Suarez ang 5-11 kabiguan sa bigating kalaban na si Joo Min Jae ng South Korea at tuluyang ipinid ang pinto para sa mga Pinoy may isang linggo pa ang nalalabi sa torneo.
Dahil sa kabiguang ito, nakasama ni Suarez ang mga kakamping sina light-fly Harry Tañamor, bantam Joan Tipon, lightweight Joegin Ladon at light-welter Genebert Besadre sa sidelines, na bawat isa sa kanila ay bigong nakapasok sa second round ng torneong ito na humatak ng 600 boxers mula sa record na 144 na bansa.
Hirap makatama ng suntok ang 5’5 na si Suarez kontra sa South Korean na ginamit na bentahe ang 5’10 na taas.
“Di umaabot ang suntok ko. Mataas at mahaba ang kamay,” ani Suarez. “Mabilis din naman kahit matangkad. Talo tayo.”
Uuwi sa bansa ang Filipino team na luhaan.