MANILA, Philippines - Sapat na ang panonood ng kanyang mga kaibigan at pamilya para manalo si world light flyweight champion Brian "The Hawaiin Punch" Viloria kay Mexican challenger Jesus “Azul" Iribe sa Linggo sa Blaisell Center sa Honolulu, Hawaii.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban ang 28-anyos na si Viloria sa Hawaii kung saan siya lumaki matapos noong 2003 nang pabagsakin niya si Mexican Valentin Leon sa round 8 sa Sheraton Waikiki Hotel.
"It is going very well and everyone is excited not only because I am coming back to fight but because world championship boxing is back in Hawaii," ani Viloria.
Tinalo ni Viloria si Ulises "Archie" Solis via 11th-round TKO upang maagaw sa Mexican ang dating suot nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt noong Abril 19, 2009 sa Araneta Coliseum.
Ayon kay world flyweight titlist Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr., ang paglaban sa harap ng kanyang kapamilya at mga kaibigan ang magiging bentahe ni Viloria.
“The home crowd, definitely, is to his advantage. Nandoon ang family niya, friends, mga Pilipino, lahat-lahat nadoon na," ani Donaire si Viloria.
Tangan ni Viloria, miyembro ng Olympic team ng United States noong 2000, ang 25-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, habang tangan naman ni Iribe ang 15-5 (9 KOs) card.
Kumpiyansa si Donaire, ang IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight titlist, na mapapabagsak ni Viloria si Iribe sa loob ng fifth round.
"I think Brian is gonna knock this guy out. I think he has the power, the youth in his size," wika ni Donaire kay Viloria. "I think he’s gonna do a good job. Malakas naman si Viloria and I feel motivated siya. At kapag motivated siya, lahat matatalo niya sa mga katimbang niya."
Bago maagaw kay Solis ang IBF light flyweight belt, naging kampeon muna si Viloria, dating hinawakan ni trainer Freddie Roach, sa World Boxing Council (WBC). (Russell Cadayona)