Coca-Cola Tigers interesado kay Bono

MANILA, Philippines - Interesado ang Coca-Cola kay Ken Bono, ang da-ting Adamson center/forward na nakuha ng Burger King sa San Miguel Beer kapalit ni Arwind Santos.

Pinapirma kamakailan ng Tigers sina rookie draftee Francis Allera at veteran free agent Norman Gonzales at matatapos na ang kanilang pagpapalakas ng team at namimili na lamang sila kung sino kina Bono at Mike Holper ang kukumpleto ng kanilang frontline.

Kumpleto na ang line-up ng Whoppers kaya handa silang pakawalan ang dating UAAP MVP awardee.

Nauna nang pinapirma ng Coke sina Allera ng two-year contract at Gonzales ng one-year contract para palakasin ang kanilang frontline.

Makakatulong nina Allera at Gonzales sina Asi Taulava, Larry Rodriguez at Ricky Calimag sa frontline dahil wala na sina Nic Belasco at Mark Telan.

Pinakawalan na si Nick Belasco sa Talk and Text at si Telan ay nasa Rain or Shine na.

Sinabi ni assistant team manager Gerard Francisco na sobra na sila sa backcourt, kaya posibleng malaglag sina Ronjay Enrile, Cesar Catli, Aris Dimaunahan at Leo Avenido sa reserve list.

Ayon kay Francisco masaya sila sa pagkakakuha kay rookie Chris Ross, na malaking tulong sa backcourt kung saan makakasama niya sina Alex Cabagnot, Marvin Cruz, Mark Macapagal, Rodney Santos, Dale Singson at RJ Rizada.

Show comments