Number 10 nakuha ng Baste
MANILA, Philippines - Hindi natitinag sa lakas ng pwersa, nananatiling matatag ang San Sebastian College makaraang payukurin nito ang Angeles U Foundation sa 81-69 upang iposte ang makasaysayang baraha sa 85th NCAA basketball tournament.
Pinamunuan ni Gilbert Bulawan, naglista ito ng 18 points habang nagdagdag naman sina Jimbo Aquino, John Raymundo at Sangalang ng 16, 10 at 10 ponts ayon sa pagkakasunod upang ilusot ang panalo.
Bagaman nanalo, hindi na-ging madali para sa Baste ang pananaig nang maging masyado itong panatag.
“I must admit we were too relaxed in this game,” anang dismayadong San Sebastian coach Ato Agustin. “It’s really in the attitude; maybe the players thought that we would have easy time against AUF after we swept the first round.”
Puspusan sa laban, naiabante ng Great Danes ang team sa first half nang ibigay ang 31-30 abante sa pamamagitan ng basket ni Aaron Santos.
Subalit, determinado na iposte ang 10 sunod na panalo, trinabaho ng troika ni Bulawan, Raymundo at Aquino ang 61-65 distansya sa pagtatapos ng third canto.
Sa isa pang laban, nagningning si John Agas sa kanyang career high 27 points na sinangkapan ng 6 na tres upang ibaon ang Perpetual Help sa 82-68 at iankla ang ikatlong pwesto na may 8-2 kartada.
Habang tuluyang namang nalugmok ang Altas na may 3-7 panalo-talo marka.
Sa juniors, naungusan ng San Sebastian ang AUF sa 114-34 at winalis naman ng Perpetual Help ang Jose Rizal sa 109-92 upang isulong ang kampanya sa Final Four bid.
Samantala, matapos ang matinding labanan sa unang round ng NCAA Season 85, lumutang ang pangalan nina John Wilson ng Jose Rizal, San Beda’s American center, Sudan Daniel at Jimbo Aquino ng San Sebastian sa mga nangungunang pangalan para sa prestihiyosong individual award.
Tumipa ng 18.7 points, pumangatlo sa ranking si Wilson, habang ang 1.4 blocks, 1.8 steals, 8.1 rebounds at 2.1 assists ang naging pangunahing armas ng Jose Rizal cager upang palakasin ang kontensyon sa MVP. Nanguna naman sa hawak na 20.8 points si Aquino.
Umarangkada rin sa kanyang 15.6 points, 8.4 caroms at 4.7 blocks kada laro ang 6’6” na pambato ng San Beda na si Daniel.
Naging matunog rin ang pangalan nina Argel Mendoza ng Emilio Aguinaldo, Adrian Celada at Giorgio Ciriacruz ng Arellano para sa kandidatura sa naturang parangal. Kumpara sa tatlo, na-ngibabaw si Mendoza na bumulsa ng 19.8 points, 5.8 assists, 5.2 boards at 2 steals.
Upang masiguro ang pagsungkit sa MVP award, nararapat makapasok sa Final Four ang koponang kinabibilangan. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending