Magaling na trainer ang kailangan ni Cotto
MANILA, Philippines - Sa pagharap ni Miguel Angel Cotto kay Manny Pacquiao sa Nobyembre 14, isang magaling na trainer ang kakailanganin ng Puerto Rican world welterweight champion.
Matatandaang nagkasuntukan ang 28-anyos na kampeon at ang uncle/trainer niyang si Evangelista Cotto ilang linggo bago labanan si Joshua Clottey noong Hunyo 13 sa Madison Square Garden sa New York City.
Sa pagpapatalsik kay Evangelista, kinuha naman ni Cotto si Joe Santiago bilang kapalit.
Ang sinasabing dahilan ng away nina Cotto at Evangelista ay sa Plaster of Paris na nasa mga kamay ni Mexican Antonio Margarito sa kanilang World Boxing Association (WBA) welterweight championship noong Hulyo 26 ng 2008.
Inagaw ni Margarito ang da-ting suot na WBA welterweight belt ni Cotto via 11th-round TKO bago ito inalisan ng titulo ni Sugar Shane Mosley mula sa isang ninth-round TKO noong Enero 24 ng 2009.
Kabilang sa mga sinasabing maaaring kunin ni Cotto bilang paghahanda kay Pacquiao ay sina Emanuel Steward at Joe Goosen.
Ilan sa mga hinawakan na ni Steward ay sina Oscar Dela Hoya, Lennox Lewis, Thomas Hearns, Evander Holyfield, Vladimir Klitschko, Jermaine Taylor at James Toney.
Isa naman si Mosley sa mga naging boksingerong hinawakan ni Goosen bukod sa namayapa nang si Diego ‘Chico’ Corrales.
Tangan ni Pacquiao, ha-ngad ang kanyang pang anim na world boxing title, ang 49-3-2 win-loss-draw ring rekord kasama ang 37 KOs, habang taglay ni Cotto ang 33-1-0 (27 KOs). (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending