Aquino, napiling NCAAPC Player of the Week
MANILA, Philippines - Buhat sa magandang performance na pinamalas ni San Sebastian sharp shooter, Jimbo Aquino, napisil ito ng NCAA Press Corps na hirangin bilang ACCEL/ FilOil Player of the Week matapos maging pa-ngunahing sandata ng Stags sa pagkuha ng liderato sa Season 85 basketball tournament.
Natuto mula sa karanasan nina Jason Ballesteros at Jim Viray, pinag-igi ni Aquino ang pagkamada ng 23 average points sa pakikipagbuno nito sa Perpetual Help at reigning three peat champion na San Beda College sa nakaraang linggo.
Bumulusok sa pamamagitan ng kanyang 10 of 13 triples, giniba ni Aquino ang depensa ng kalaban kung saan nailuklok niya ang koponan sa tuktok kasalo sa liderato ang last year's runner up na Jose Rizal, St. Benilde at guest team na Arellano University na tangan ang 2-0 (panalo-talo) kartada.
Dahil dito, taos puso ang pasasalamat ng 23 anyos na tubong Bamban, Tarlac sa kanyang coach na si former PBA MVP Renato “The Atom Bomb” Agustin sa tiwalang binigay nito sa kanya.
“I have so much confidence this year because of the new system of coach (Agustin),” ani Aquino.
Gayundin, pinapurihan ni Agustin ang dedikasyon at determinasyon ni Aquino na humatak ng panalo para sa grupo.
Para sa karangalang ito, naungusan ni Aquino ang mga karibal na sina James Sena na bumida para sa Jose Rizal, Arellano's Giorgio Ciriacruz at Jeff Morial na bumandera sa St. Benilde. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending