MANILA, Philippines - Magaang nagtala ng panalo sina Israel Rota at Alan Cuartero kahapon para panatilihin ang pagwagayway ng Pambansang bandila habang hindi naman sinuwerte ang ilang Pinoy sa kanilang kampanya sa pagpapatuloy ng 2009 Qatar International 9-ball Pool Championship sa Qatar Billiards and Snooker Federation sa Doha, Qatar.
Tinalo ni Rota si Christoph Reintjens ng Germany, 9-5, habang binokya naman ni Cuartero si Khalid Sibaitah ng UAE, 9-0.
Hindi naman pinalad si defending champion Dennis Orcollo na maidepensa ang kanyang titulo nang yumuko ito kay Mateusz Sniegocki ng Poland, 9-5, para sa kanyang ikalawang kabiguan.
Nabigo din kahapon si Marlon Manalo kay Radoslaw Babica ng Poland, 9-8, tumiklop si Antonio Gabica kay Mika Immonen ng Finland, 9-4, yumuko si Raymund Faraon kay Kuo Po Cheng ng Chinese-Taipei, 9-7, at kinapos naman si Oliver Medinilla kay Vilmos Foldes ng Hungary, 9-4.
Nakabalik naman sa kontensiyon si Jeffrey De Luna, na namayagpag kay Nayef A.A. Mohammad ng Jordan, 9-1.
Tuloy-tuloy naman ang pananalasa ni World 8-Ball Champion Ralf Souquet ng Germany matapos idiskaril si Omar Al Serkal ng UAE, 9-3, maging si 2009 Philippine Pool Championships winner Ricky Yang ng Indonesia na nakaungos naman kay reigning World Junior Champion Ko Pin-yi ng Chinese-Taipei, 9-8, at US brightest hope Shane Van Boening na giniba naman si Karl Boyes ng Great Britain, 9-2.