MANILA, Philippines - Dahil sa karamdamang iniinda, napipintong mamaalam sa buong season si Sta. Lucia Realty do-it-all forward Kelly Williams para makabawi ng lakas.
Sa kabila ng kanyang blood disorder, hindi nagpaawat ang Fil Am na si Williams nang umiskor ito ng mataas na statistical point para palawigin ang tsansang maging top contender bilang Most Valuable Player.
Sakaling palaring manalo, magiging 4th PBA player si Williams na makakatanggap ng MVP honors sa magkasunod na taon at hahanay sa kasaysayan nina Bogs Adornado (1975-76), Alvin Patrimonio (1993-94) at Danny Ildefonso (2000-01).
Naging daan ang Fiesta Conference wildcard round sa pagbulusok ng karera ni Williams na nanguna sa pamamagitan ng 32.2 SPs kasama ni Asi Taulava (32.1), Arwind Santos (30.6), Jayjay Helterbrand (29.5) at Mark Cardona (29.4).
Kasabay nito, bumulusok rin sina Kerby Raymundo (28.67), Willie Miller (28.66) na tinanghal na Philippines Cup Best Player, Jay Washington (28.6), Dondon Hontiveros (28.4) at Jimmy Alapag (28.2).
Subalit tanging si Raymundo na lang ang may oportunidad na magpakitang gilas para pagandahin ang stats.
Samantala, tinakda naman ang pagtatapat nina Rain or Shine Gabe Norwood at Sol Mercado na mahigpit na magkalaban para sa Rookie of the Year Award.
Namamayani si Norwood na may hawak na 26 SPs kada laro, na sinusundan ni Mercado na may (23.6) habang si Jared Dillinger (21.9) ay naluklok sa pangatlong puwesto. Sumunod rin ang pagbandera ng pangalan nina Bonbon Custodio (20.2), Larry Rodriguez (16.8), Jeff Chan (15.8), Beau Belga (14.0), Tyrone Tang (13.5), Rob Reyes (11.0) at Kelvin Gregorio (10.4). Lumutang ang husay ng mga rookies na sina Norwood, Solomon at Dillinger na napasama sa top 30 overall na naglalaban laban para sa Mythical First at Second Teams. (Sarie Nerine Francisco)