Kampeon ang Titans!
MANILA, Philippines – Wala pa ring tatalo. Yan ang nasaksihan ng mga manonood matapos ilampaso ng Oracle Residences sa isang krusyal na laban ang naghahangad na Pharex Bidang Generix.
Bilang mga kampeon, matagumpay na naipagtanggol ng nangungunang Titans ang titulo at naiuwi ang tropeo ng kauna-kaunahang kampeonato sa ilalim ng bandera ng Oracle.
Sa muling pagsusog ng tagumpay, naiposte ng kumpanya ang ikapitong sunod na panalo, sapat para tanghaling “greatest amateur ball club in modern history”.
Tangan ang bangungot mula sa Game 4, pinamunuan ni Mark Barroca ang koponan para tapusin ang serye na may ngiti.
Buhat sa free throw line, naipasok lahat ni Barroca ang 8 points para itala ang 82-69 kontra sa Pharex sa huling dalawang minuto ng bakbakan upang tuluyang dominahin ang 2009 PBL PG Flex Unity Cup kahapon sa Ynares Sports Center.
Bunga ng tinamong panalo, masayang nagpahayag si Harbour Centre owner, Mikee Romero na kagalakan. Sa pamamagitan ng isang text message para kay team Manager Erick Arejola, pinarating ni Romero ang kagalakan.
“We had several new players, new coach but our never say die attitude has lived again,” ani Romero.
Samantala, walang pagsidlan ang pasasalamat ni head coach Glenn Capacio sa suportang pinakita ng alma mater na FEU.
Pursigido sa panalo, umarangkada na agad sa unang yugto ang bataan ni Capacio na kumubra ng 16 points kalamangan. Sa pamamagitan ng steady shooting ni RP team member, Barroca, napanatili nito ang momentum ng dating Batang Pier.
Pinarada ng guard na si Barroca ang kanyang maliksing 6 rebounds, 3 assists at 3 steals na ginamit niyang pambawi sa 6 turnovers sa unang bahagi ng laban. Bunsod sa 12-1 salvo nina Ronnie Matias at JR Gerillia panandaliang dinaga ang Titans nang mailapit ng Bidang Generix sa 67-71 ang iskor sa nalalabing 1:58 minuto ng sagupaan.
Gayunpaman, ang dalawang free throws ni Barroca ang nagpahupa ng tension para sa Oracle.
Ang Fil-Am Guard ng Pharex na si Ross na nagsal-pak ng 19 points sa Game 4, kabilang ang 5 triples ay tuluyang naungusan ng Timberlake-Barroca tandem. (Sarie Nerine Francisco)
Oracle 82 -- Barroca 21, Maierhofer 17, Fernandez 13,Timberlake 8, Baracael 7, Cawaling 5, Ramos 5, Asoro 4, Labagala 2, Nocom 0, Gaco 0.
Pharex 69 – Matias 21, Gerilla 14, Ross 10, Saladaga 8, Allera 7, Co 4, Villamin 3, Melegrito 2, Aguilar 0, Canlas 0, Faundo 0, Bauzon 0, Urbiztondo.
Quarterscores: 20-8; 36-26; 59-43; 82-69.
- Latest
- Trending