Top seed teams maghahamunan
MANILA, Philippines – Sa huling pagkaka-taon, magkakahamunan ang top seeded teams ng semis para sa penultimate quarterfinal round playdate ng Shakey’s V-League na gaganapin sa The Arena, San Juan City.
Para sa tampok na laro ng alas kuwatro ng hapon, inaasahang maaksyong paghaharap ang masasaksihan para sa paunang patikim ng dalawang malalakas na koponan ng liga.
Matapos kapwa makapagbalangkas ng malinis na baraha, magkasosyo ang Stags at Tigress sa liderato matapos pataubin ang kani-kanilang kalaban sa nagdaang 10 laro.
Buhat sa magandang tala, mag-uunahan ang SSC at UST na maangkin ang No. 1 slot para sa susunod na round.
Sa semis, ang top seeded team ay makikipagtipan sa No.4 squad, habang makikipagbuno naman ang No. 2 at No. 3 teams para sa finals berth ng best of three series.
Sa nakalipas na laban, naigupo ng UST ang SSC sa opening game ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza at ipinrisinta ng Cherifer.
Subalit, pursigido sa ikalawang korona, nakabawi ang Stags matapos durugin ang lahat ng kalaban sa 10 matches, kabilang ang apat na panalo sa quarters, na humubog ng malaking tiwala at momentum sa koponan para palawigin ang tsansang maiuwi ang kampeonato.
Gayunpaman, ayaw rin padaig ang España-based squads na naglalayong mapagwagian ang ikaapat na titulo sa ligang suportado ng Acccel, Mikasa, Mighty Bond, at OraCare.
Sa madugong labanang ito, kinakailangan ang buong pwersa ni SSC Thai import Jaroensri Bualee, katulong sina Rysabelle Devanadera at Lou Ann Latigay na manipulahin ang laban kontra sa matalinong diskarte ng grupo ng UST sa pamumuno nina Mary Jean Balse, Michelle Carolino at Aiza Maizo.
Samantala, sa pagbubukas ng laban bukas, makikipagtipan ang defending champion Adamson sa kulelat na Univerity of San Jose Recoletos na umaasam na makamit ang unang panalo, sa labang magsisimula ng alas-dos ng hapon.
Para makapasok sa susunod na round, kinakailangang pilayan ng Falcons ang Jaguars para wakasan ang pakikipagsapalaran nila at maupo sa huling pwesto ng semis na uusad sa last quarters playdate sa Martes. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending