Ross at Pharex bubuwagin ang dinastiya ng Titans
MANILA, Philippines - Sa pamumuno ng Fil-Am cager na si Chris Ross, tatangkain ng nominadong Most Valuable Player (MVP) na mabuwag ang dinastiya ng Titans sa krusyal na paghaharap nito para sa Game 3 ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup sa Ynares Sports Center.
Pupuntiryahin ng 6’1 guard ng Pharex na si Ross na madomina ang laban para maiguhit ang kauna-unahang kampeonato sa liga matapos ang apat na kumperensyang kinabila-ngan nito.
Para maitumba ang mala-pader na Titans, gigibain ng Batang Generix ang depensang ilalapat sa kanila.
Makikipagsapalaran ang tropa ni coach Carlo Tan dakong alas tres ng hapon matapos ang pakikipagtipan ng Philippine Youth Team sa three time Women’s PBL champion Ever Bilena.
Sa larong ito, masusubukan ang taglay ang galing ng youth team sa court sa ganap na alas-12:30 ng tang-hali. Suportado ng dating PBL chairman Dioceldo Sy, kasalukuyang nag-eensayo ang mga kabataang ito para sa isang major international tournament na magaganap sa Setyembre.
Gayunpaman, mas pinaigting ang kampanya ng Pharex na isulong ang ikalawang panalo sa serye.
Inaasahang bubulusok si Ross katulong ang buong grupo para sundan ang tagumpay na nilimbag sa Game 2, 81-72 win para itabla ang baraha.
Ngunit bago magsimula ang maaksyong paghaharap, bibigyang parangal si Ross dahil sa ipinakitang husay ngayong taon.
Buhat sa malaking panalong pinoste ng Pharex, inaasahan ni Tan na umaatikabong labanan ang ihahain ni coach Glenn Capacio para iiwas sa kahihiyan ang prangkisa ni Mikee Romero.
Bukod kina Ian Saladaga at Ross, tinatayang gagawa rin ng puntos sina Ronnie Matias, Francis Allera at Sean Co. Hindi rin papapigil sina Josh Urbiztondo at center Raymund Aguilar na desididong mapataob ang 6th time champion ng liga.
Sa kabilang kampo, aminado si team manager Erick Arejola na hindi uminit ang Titans noong Game 2, subalit, puno ng kumpiyansa, ipupuwersa ng dating Batang Pier na maiuwi ang tagumpay para ituloy ang dinastiya ng kumpanya.
Subalit pagtutuunan ng pansin ng Oracle Residences ang de kalibreng laro nina Maierhofer pupuno sa kakulangan ng grupo ni Marc Barroca. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending