LIPA CITY, Philippines – Bumangon si Lee Van Corteza upang igupo si Ramil Gallego, 11-10 sa finals at maghari sa Manny Villar Cup Calabarzon Leg kahapon sa harap ng punum-punong Activity Center ng SM City Mall dito.
Gumapang pabalik si Corteza, three-time Southeast Asian Games gold medalist, mula sa two-rack deficits at biguin si Gallego sa kanyang ikalawang titulo, habang nakuha naman niya ang una sa prestihiyosong island-hopping series na ipiniprisinta ng Senator Manny B. Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
“Sa wakas!,” sigaw ni Corteza, ang ipinagmamalaki ng Davao City. “ Matagal ko nang inaasam na magwagi sa Villar Cup at masaya ako ngayon at nakuha ko rin,” aniya.
Dahil sa panalong ito, ikapito na si Corteza na nakapag-uwi ng korona matapos makamit din ito nina veteran internationalists Warren Kiamco (Alabang), Gandy Valle (Cebu), Gallego (Bulacan), Roberto Gomez (Davao at Isabela), Rodolfo Luat (Bacolod) at Francisco “Django” Bustamante.
Ang panao ay nagbigay din sa kanya ng premyong P300,000 na nakataya sa tatlong araw na event na ito na co-organized ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP), hatid ng Camella Communities, at may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP).
Hindi naging madali para kay Corteza ang daan patungo sa tagumpay.
Binuksan niya ang kanyang kampanya makaraang lusutan si Joven Bustamante, 9-7 bago ginapi si Gandy Valle, 9-4 upang makasulong sa quarterfinals.
Mula rito, kailangan pang tanggalin ni Corteza ang mabigat na hamon ni rising star Ricky Zerna bago mahatak ang 9-7 panalo.
Ang pagkabigo naman ni Gallego ay nagbigay sa kanya ng runner-up prize na nagkakahalaga ng P120,000.