MANILA, Philippines - Kung mayroon mang magiging problema ang mga nag-oorganisa ng 2009 National Open Track and Field Championships, ito ay ang kinatatakutang H1N1influenza virus.
Inaasahang magiging mahigpit ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ukol sa pagtanggap ng mga delegasyong mula sa Vietnam, Brunei, Chinese-Taipei, South Korea, Singapore at Malayisa para sa naturang sports meet na idaraos sa Dagupan City.
Sa kabila ng pagkalat ng tinatawag na ‘swine flu’, pitong bansa na ang nagkumpirma ng kanilang partisipasyon, ayon kay Dagupan City Mayor Al Fernandez.
“Seven of the foreign countries which confirmed their participation will already be in town at the end of the day today,” ani Fernandez sa mga koponan ng Vietnam, Brunei, South Korea at Malayisa.
Bukod sa influenza virus, ang kaguluhan pa rin sa Thailand ang posibleng pumigil sa paglahok ng mga Thais sa kompetisyon.
Ang Thailand ang nagdomina sa athletics event ng 24th Southeast Asian Games na idinaos sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007.
Inalis naman ang signal no. 3 ng bagyong si “Emong” sa Pangasinan, ayon kay Fernandez.
“Maliwanag na ang panahon.Wala nang hangin at wala na ring ulan,” wika ni Fernandez. (Russel Cadayona)