1 gold, 1 silver at 2 bronze sa RP tracksters

MANILA, Philippines – Isang gold, isang silver at dalawang bronze medals.

Ito ang naiuwi ng seven-man national team mula sa katatapos na 2009 Thailand Open Track and Field Championships na idinaos sa Thammasat University Stadium.

Tanging si Southeast Asian Games hammer throw record-holder Arniel Ferrera ang nagbulsa ng gintong medalya matapos maghari sa kanyang event sa inihagis na 56.70-meter distance, habang pilak naman ang kinuha ni Danilo Fresnido sa javelin throw sa layong 63.36m mark.

Nanggaling ang dalawang tansong medalya kina Julius Sermona at Eleazer Sunang.

Pumangatlo si Sermona sa men’s 5,000m run sa oras na 15:16.12, samantalang bumato naman si Sunang ng 15.64m sa men’s shot put event sa nasabing four-day track and field competition sa Thailand.

Ang 1 gold, 1 silver at 2 bronze medals na sinikwat ng national squad ay siya ring naiuwi ng koponang sumabak sa naturang Thailand Open noong 2008.

Winalis ng Thailand ang men’s division sa pagkolekta ng tropa ng Royal Thai Army ng kabuuang 239 puntos kasunod ang Royal Thai Navy (120) at ang Royal Thai Police (85). (Russell Cadayona)


Show comments