Kung maibabalik ni Viloria ang dating porma may laban siya
MANILA, Philippines - Kung muling ipapakita ni dating world light flyweight champion Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ang kanyang porma noong siya ay isang amateur fighter pa lamang, malaki ang tsansa niyang talunin at agawan ng korona si Mexican Ulises “Archie” Solis.
Ito ang pahayag kahapon ni Glenn “The Filipino Bomber” Donaire, nakatatandang kapatid ni world flyweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr., sa panayam ni Dennis Principe kahapon sa ‘Sports Chat” sa DZSR mula sa San Leandro, California.
Ayon kay Glenn, malaki ang kanyang paniniwala na kayang talunin ni Viloria si Solis, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) light flyweight king, sa kanilang banggaan sa Abril 19 sa Araneta Coliseum.
“Kilala ko si Brian since amateur days pa. If the Brian that I know back then who was a hungry fighter, then one hundred percent mananalo si Brian kay Solis,” ani Glenn.
Hangad ng 28-anyos na si Viloria, may 24-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, na agawan ng IBF title ang 27-anyos na si Solis, nagbabandera ng 28-1-2 (20 KOs) slate.
Ang 28-anyos na si Glenn ang pinakahuling challenger na tinalo ni Solis via unanimous decision noong Hulyo 12 ng 2008.
“Kasi I only fought Solis na 60 percent lang ang preparation ko pero tuma-takbo pa rin siya sa akin, and in the first two rounds of our fight I almost knocked him out,” ani Glenn, may 17-4-1 (9 KOs) card. “Ngayon alam ko na talagang ensayado si Brian at kaya niyang talunin si Solis.”
Si Viloria, nasa isang five-fight winning streak sa ngayon, ang dating light flyweight champion ng World Boxing Council (WBC).
Nakatakda ring idepensa ni Nonito sa ikatlong sunod na pagkakataon ang kanyang IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight belts laban kay Mexican challenger Raul “Cobra” Martinez bilang main event sa Linggo sa Big Dome. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending