Bustamante vs Gomez sa Villar Cup finals
BAGUIO CITY, Philippines - Tinapos ni Francisco ‘Django’ Bustamante ang pananalasa ni Rene Mar David nang payukurin niya ito at umusad sa finals ng Manny Villar Cup Panagbenga leg sa Events Center ng SM City Baguio.
Bumangon naman si Roberto Gomez mula sa tatlong racks na pagkakabaon upang igupo si Warren Kiamco, 10-8 at itakda ang title match kay Bustamante sa island-hopping series na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
Kalaban ang batang player na gumulat sa kanyang matalik na kaibigang si Efren ‘Bata’ Reyes sa second round, naging maingat si Bustamante at mabilis na umabante kay David, 4-1.
Ngunit nagawang bumangon ng 19 anyos na dating two-time World Junior campaigner nang itabla nito ang iskor sa 8-all.
“Magaling talaga ‘yang batang ‘yan saka mata-pang kaya hindi ako mag-tataka kung pagdating ng araw maging world champion ‘yan, magsipag lang s’ya at magtiyaga,” wika ng 44-year old na dating world no. 1 mula sa Tarlac.
Halos naabot na ni David, ang ipinagmamalaki ng Candon, Ilocos Sur, ang tuktok ngunit ang break niya sa 17th rack ay kinapos at nagbigay daan pa kay Bustamante na marun out ang mesa.
Nakabreak si Bustamante at ran out sa sumunod na frame upang iselyo ang tagumpay at umusad ng isang hakbang patungo sa pagbulsa ng P300,000 top purse sa three-day event.
“Matagal ko nang hinahangad itong Villar Cup, at ngayong nakalapit na ako dito, ibubuhos ko ang lahat para makuha ito,” dagdag ni Bustamante, na nanaig kay Lee Van Corteza, 9-6, sa quarterfinals.
Nakabangon naman si Gomez mula sa 6-3 deficit at igupo si Kiamco na nagbigay tsansa na maduplika ang kanyang title-run sa Davao noong Agosto.
- Latest
- Trending