BACOLOD-- Nagpamalas ng impresibong panalo ang anak ng dating champion at isang Fil-foreigner ang nagningning habang pinatatag ng Army ang kanilang dominasyon sa 2009 Smart National Amateur Boxing Association championship sa NOMPAC dito.
Pinatigil ni Dave Peñalosa ng Cebu City, pinakabata sa dalawang boksingerong anak ni dating world champion Dodie Boy Sr. si Elijah Ray Guanzon upang isukbit ang gintong medalya sa bantamweight para sa youth boys.
Ito ang ikatlong RSC panalo ng 16 anyos na si Dave sa torneong naglalayong makatuklas ng mga bagong talento.
Nanaig naman si Robin Pelileo na nagbiyahe pa mula sa Black town sa New South Wales, Australia, kay Arnel Gepollano, 16-2 upang maghari naman sa featherweight class sa youth boys.
Suportado at inorganisa ng Smart, ABAP, Bacolod City Congressman Monico Puentevella at Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni William ‘Butch’ Ramirez, ang torneo ay dinomina ng Bacolod City at Philippine Army.
Ang host na nagpadala ng malakas na apat na koponan, ay humatak ng lakas mula sa ginintuang pagsisikap nina kiddieweight Earl Jean Cesar Hermedalla, ant weight Robel Andalez, powder weight Joren Labordo, light bantam Genisis Siervania, at lightfly Gerson Nietes Jr. sa kiddies at juniors division.
Nagmula naman kina pin weight Karina Jaen Recaido at Khristy Rivaz Jana ang tagumpay sa girls youth division side na nagdala sa Bacolod sa overall team champion na may 64 puntos at maungusan ang Army na may 61 puntos para maibulsa ang premyong P20,000, boxing gloves at training equipment.
Sumandal naman ang Army sa panalo nina light fly Bill Vicera, flyweight Rey Saludar, bantam Godfrey Castro, feather Joan Tipon, lightweight Charly Suarez, lightwelter Genebert Basadre at middleweight Jose Antioso sa men’s elite category at pinweight Josie Gabuco, bantam Annalisa Cruz, at feather Annie Albania sa kababaihan.