Isang tres ang pinakawalan ni Fil-Am Josh Vanlandingham sa huling 3.2 segundo ng labanan tungo sa 76-73 panalo ng Hapee Toothpaste na nagkait sa Magnolia Purewater sa kanilang inaasam na outright semis slot sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup na nagpatuloy sa San Beda College gym sa Mendiola, Manila kahapon.
Naubos ang naipundar na 18-puntos na kalamangan ng Hapee ngunit umangat si Vanlandingham upang isalba ang Hapee para sa kanilang ikalimang panalo sa 10-laro upang saluhan sa ikatlong puwesto ang Bachhus Energy Drink.
Dahil dito, may pag-asa pa sila sa huling outright semis slot at may pagkakataon silang samahan ang league-leader na Harbour Centre na nakakasiguro na sa semis bunga ng kanilang 8-1 record.
Tumanggap ng pasa ang 6-foot-2 Fil-Am mula kay Earn Saguindel bago pakawalan ang tres mula sa kaliwang bahagi ng court na bumasag ng pagtatabla ng iskor sa 73.
May pagkakataon ang Wizards na hatakin ang laban sa overtime ngunit sumablay ang panablang tres ni Leomer Losentes sanhi ng kanilang ikatlong talo sa 10-laro ngunit nanatili pa rin sila sa ikalawang puwesto.
Duguang umalis ng court si Jeff Morial, 6:02 minuto ang oras sa third quarter matapos tamaan ng siko ni Yuri Escueta ang kanyang kanang pisngi na nangailangan ng lima hanggang anim na stitches.
Naapektuhan ang Hapee at dahil dito, naubos ang kanilang 61-43 kalamangan nang maitabla ng Magnolia ang iskor sa 73-73 sa fastbreak ni Losentes 15.6 segundo na lamang bago ang kabayanihan ni Vanlandingham.
Sa ikalawang laro, pinatatag ng Harbour Centre ang kanilang supremidad makaang igupo ang Burger King, 93-82.
Binanderahan ni Reed Juntilla ang Batang Pier sa kanyang inilistang 18 puntos, habang nag-ambag naman si Rico Maierhofer ng 16 puntos at 9 rebounds nang pagandahin ng Habour Centre ang kanilang record sa 9-1.