LOS ANGELES -- Sisiguruhin ni Freddie Roach na nakatutok ang kanyang mga mata sa mga kamay ni Oscar dela Hoya kapag binalutan ito ng tape para sa kanilang ‘Dream Match’ sa MGM Grand sa Sabado (Linggo sa Manila).
“There are a couple of issues I have,” patungkol ni Roach sa paraan kung papaano balutin ang pamatay na kamay ng tinaguriang Golden Boy, na ngayon ay nasa ilalim ni master cut man Joe Chavez.
“Joe Chavez is a friend of mine,” wika ni Roach.
At totoo ito dahil ilang beses na ring nagtrabaho si Chavez kay Pacquiao kabilang na ang laban nito kay David Diaz para sa WBC lightweight crown noong Hunyo sa Mandalay Bay.
Hindi nito sinabi kung gagamit ng parehong teknik si Chavez na kanyang ginawa kay Pacquiao.
Sinabi ni Roach na may espesyal na ginagawa si Chavez kapag binabalot nito ang mga kamay ng boksingero at sisiguruhin ng two-time Trainer of the Year na hindi ito magagamit kontra kay Pacquiao.
“He uses the strapping tape which is not supposed to be used but porous tape only. Between the knuckles they use what Joe calls the fake ligaments and they make it like rope,” paliwanag ni Roach.
“And they put it between the fingers,” dagdag pa niya.
Ang tape, kapag natuyo, ay tila isang semento at ang sinasabi ni Roach na ang ‘pekeng substansiya nito” ang maaring magbigay ng bentahe sa isang boxer.
Bilang trainer, sinabi ni Roach na trabaho niyang siguruhin na hindi maiisahan ang kanyang boxer. Siya ang nagbabalot para kay Pacquiao.
“Anything I can do to throw Oscar I will do. That’s my job. So, I want to see it. It’s not personal. But I want to see it. Rules are rules and we have to go by it,” dagdag pa niya.
Nang harapin ni Pacquiao si Marco Antonio Barrera sa kanilang rematch noong Oktubre ng nakaraang taon, kinukuwestiyon ni Roach ang tungkol sa pagbabalot na ito.
Sinabi niya na makapal at matigas ang pagkakabalot ng mga handlers ni Barrera sa kanyang kamay na ang padding sa knuckle area nito ay isang pulgada ang lapad.
“His hands get so big that in one fight, his handlers had to cut his gloves with a scissor just to make his hands fit in,” ani Roach isang araw bago ang laban kay Barrera.
Ayon kay Roach pinasabihan na niya ang Nevada State Athletic Commission sa ilalim ni Keith Keizer tungkol sa isyu na ito na kailangang maayos agad bago sila dumating sa Nevada.
“I know the rules and I expect them to be upheld. That’s all I ask. We’ll work with what’s allowed and what’s not and we’ll go from there,” aniya.
Sinabi ni Roach na sisiguruhin niya na maayos ang lahat bago umalis si Dela Hoya sa kanyang dressing room. At kung posible siya mismo ang magbabantay sa paraan.
“Most likely it will be me but it depends on the time issue,” aniya pa.
At kung hindi man, baka ipadala niya si Eric Brown, isa sa trainer ni Pacquiao, sa locker room ni Dela Hoya para makita kung ano ang kanilang ginagawa.
“On Tuesday we’ll go over the wrapping rules,” dugtong niya.