Pinabagsak ng paboritong si PJ Tierro si Terrence Estrope, 6-0, 6-2, kahapon upang palakasin ang kanyang kampanya para sa kanyang unang singles title sa ikalawang round ng 28th Philippine Columbian Association Open na sponsored ng Cebuana Lhuillier at suportado ng The STAR, sa PCA shell courts sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Ginamit ni top seed Tierro, 22-gulang, ang kanyang power serves at malalakas na palo upang igupo si Estrope.
Tinapos ni Tierro ang laban sa pamamagitan ng service winner at ace upang maka-usad sa susunod na round bukas kung saan makaka-harap niya ang RP team coach na si Chris Cuarto.
“I practiced for a month here, maybe that’s my advan-tage,” sabi ni Tierro na nanguna sa National team na tumapos ng runner-up sa team tournament sa Malaysia noong nakaraang buwan.
Ito ang ikalawang sunod na larong nangailangan lamang si Tierro ng wala pang isang oras upang pabagsakin ang kalaban.
Laban kay Cuarto, isang 30-gulang na veteran na nakatutok na sa coaching ngayon at di na gaanong naglalaro, may kahirapan ang laban ni Tierro.
Pinakitaan ni Cuarto si Tierro nang sibakin niya ang kalabang si Kyle Cordero, isa sa top junior players ng bansa sa 6-2, 6-3 panalo.
Kung wala pang titulo si Tierro, mayroon nang tatlo si second pick Johnny Arcilla at nalalapit ito sa ikaapat na titulo matapos sumulong sa third round matapos ilampaso ang qualifier na si Von Ruelan, 6-2, 6-2.
Naitakda ni Arcilla, nanalo sa 2001, 2006 at noong nakaraang taon nang talunin niya si Tierro para sa titulo, ang laban kontra kay Mico Santiago na nakaungos kay Leander Lazaro, 6-2, 3-6, 6-4.
Nakalusot din sina Ralph Kevin Barte, Elbert Anasta, Alexander Lazaro at Ronald Joven. Nanalo si No. 4 Barte kay Daniel Bautista, 6-3, 6-0, No. 5. Dinurog ni Anasta ang La Salle coach na si Roland Kraut, 6-0, 6-3, pinabagsak ni No. 7 Lazaro si Mac Mac Contreras, 7-5, 6-1, at pinasadsad ni No. 8 Joven si Naoto Yamanaka ng Japan, 6-2, 6-0.