Ever Bilena, FEU Oracle nanalasa

Muling ipinamalas ng Ever Bilena ang kanilang dominasyon kontra sa Mail & More, 89-76, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo habang nagparamdam naman ng lakas ang UAAP champion Oracle Residences-Far Eastern University sa Women’s Philippine Basketball League (WPBL) kahapon sa FEU gym.

Sa ikalawang sunod na laro, sumandal ang Gandang Pinay sa maiinit na kamay nina Marichu Bacaro at Aimi Ono upang makitabla sa Smart Sports-University of the Philippines sa second spot.

Ang 5-foot-3 na si Bacaro, ang reigning UAAP Most Valuable Player (MVP) mula sa University of Santo Tomas, ay muling nagpamalas ng all-around performance, sa kanyang 22 points, five assists, 4-rebounds at four steals habang nagsumite naman si Ono ng 20 points.

Humataw si Bacaro sa third quarter kung saan kumamada ito ng 11 sa 26 points ng Gandang Pinay na nagposte ng 67-49 advantage sa naturang yugto.

Nakabawi ang Oracle-FEU mula sa masaklap na pagkatalo sa Discovery Suites-RP women’s team noong Nov. 11 matapos igupo ang Oracare-College of St. Benilde, 61-45.

Nanguna si Katherine Reyes para sa Lady Tamaraws sa kanyang 18 points, kabilang ang 9 sa third quarter kung saan nakawala ng husto ang Sheila Romero-owned Oracle Residences.

Ipinoste ng Lady Maroons ang ikalawang panalo noong Sabado sa paggupo sa Xtreme-RP youth squad, 80-54.

Show comments