Alaska pinatikim ng Tropang Texters

Nakabangon ang Talk N Text sa dalawang sunod na kabiguan at natikman naman ng Alaska ang kanilang kauna-unahang kabiguan.

Sumandal ang Tropang Texters kina Mac Cardona, Jared Dillinger at Ali Peek upang pasadsarin ang Aces, 91-83 sa pagpapatuloy ng KFC PBA Philippine Cup na dumako sa Ynares Center sa Antipolo City kagabi.

Tumapos si Cardona ng 24-puntos bukod pa sa apat na assists at dalawang steals upang pamunuan ang Phone Pals na sumulong sa 3-2 win-loss slate kung saan katabla nina ang Rain Or Shine.

Nagsumite sina Dillinger at Peek ng 18 at 16 puntos ayon sa pagkakasunod upang sirain ang four-game winning streak. Kinana ni Peek ang 10-puntos sa first half.

Nanatili sa liderato ang Aces ngunit katabla na nila sa 4-1 record ang San Miguel Beer kasunod ang Realtors na may 3-1 record.

Habang sinusulat ang balitang ito, nakikipag-laban ang defending champion Sta. Lucia Realty (3-1) tangka ang kanilang ikaapat na sunod na panalo laban sa Air21 na hangad maka-back-to-back win para iangat ang 1-3 kartada.

Samantala, dadalaw naman ang PBA sa Misamis Oriental kung saan magsasagupa ang San Miguel Beer at Red Bull sa Arturo S. Lugod Gym sa Gingoog City.

Tangka ng Beermen ang ikalimang sunod na panalo laban sa Bulls na may 1-3 kartada sa alas-5:00 ng hapong sagupaan.

Show comments