Pagulayan, Orcollo magkasama sa grupo

Jakarta -- Hindi sinuwerte sa draw sina 2004 World Pool champion Alex Pagulayan at kasalukuyang WPA world number one Dennis Orcollo nang magkakasama sila sa iisang grupo sa pagsisimula ng Guinness 9 Ball Tour 2008 Grand Final sa Mal Taman Anggrek.

Labing-isang players ang hinati sa dalawang grupo at maglalaro ng single round robin format. Ang top two players sa bawat grupo ang aabante sa semifinals na ang final two ang maghaharap sa finals match. Ang magkakampeon ay magbubulsa ng pangunahing premyo ng $36,000.

Sina Pagulayan at Orcollo, na nagwagi ng huling dalawang yugto sa Singapore at Guangzhou, ayon sa pagkakasunod, ay makakasama din sina defending Grand Final champion Chang Jung Lin at Wang Hung Hsiang ng Chinese Taipei at Ryu Seung Woo ng Korea sa Group A.

Samantala, ang kasalukuyang WPA No. 6 na si Joven Bustamante at dating Asian Games gold medalist Antonio Gabica ang babandera sa bansa sa Group B. Makakasama naman nila sina Yang Ching Shun at Wu Chia Ching ng Chinese Taipei at Ibrahim Bin Amir ng Malaysia at hometown bet Ricky Yang.

Show comments