Women's PBL bubuhayin
Pagtutuunan ng pansin ng Philippine Basketball League (PBL) ang kababaihan kaya naman muling bubuhayin ng liga ang Women’s PBL tournament na kasabay na bubuksan sa bagong season sa November 8.
Sampung taon na ang nakakaraan nang itanghal ng liga ang WPBL noong panahon ni Commissioner Yeng Guiao na itutuloy ngayon ng bagong PBL chairman na si Mikee Romero ng Harbour Centre.
“Actually ang proponent nito ay si PBL chairman Mikee Romero. He was inspired to put up a women’s league upon seeing for himself our RP women’s team compete in last year’s Southeast Asian Games in Nakhon Ratchasima, Thailand,” pahayag ni PBL commissioner Chino Trinidad na panauhin sa PSA Forum sa Shakey’s U.N. Avenue branch kung saan kasama niya sina Romero, Harbour Centre team manager Eric Arejola at PBL executive director Butch Maniego.
“I was inspired to form a league for our women players because from what I saw in the SEA Games, kaya naman nating talunin ang Malaysia, Thailand and Indonesia. Kulang lang talaga tayo sa exposure, sa laro sa labas,” dagdag naman ni Romero sa weekly session na sponsored ng Shakey’s, Accel, Brickroad gym at Aspen spa at MedCentral Medical Clinic and Diagnostic Center.
Dahil dito, magsasagawa ang liga ng open tryouts sa lahat ng babaeng players na may edad na di tataas sa 25 gulang sa October 19 sa bagong gawang Jose Rizal University gym na bukas sa lahat ng player kahit na bahagi o naging bahagi na ng RP team.
Sinabi naman ni Trinidad na bukas ang try-outs sa lahat -- dati at kasalukuyang RP team member -- pero kailangang tumugon sila sa age requirements.
Ayon kay Romero, plano niyang maglagay ng hindi bababa sa anim na teams at di tataas sa 10-teams.
- Latest
- Trending