Concepcion vs Mexican boxer
Sa hanay ng mga batang Filipino professional fighters, isa si super bantamweight sensation Bernabe Concepcion sa sinasabi ni world four-division champion Manny Pacquiao na may potensyal maging world titlist.
Nakatakdang sagupain ngayon (US time) ng 20-anyos na si Concepcion si Mexican Giovanni Caro sa isang 10-round super bantamweight bout sa Sycuan Resort and Casino sa San Diego, California.
“Masisilayan ng mga fans ang laban ni Bernabe Concepcion, na sa tingin ko ay may malaking potential na maging isang world champion sa lalong madaling panahon,” ani Pacquiao kay Concepcion. “Dahil nakikinig si Bernabe sa aking mga payo kung paano maging isang kampeon, binubuhos ko ang aking suporta sa kanyang career.”
Tangan ng tubong Rizal na si Concepcion ang 26-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, habang dala naman ni Caro, isang Mexican champion, ang 10-6-3 (9 KOs) slate.
Ito ang kauna-unahang professional boxing event ng MP Promotions ng 29-anyos na si Pacquiao, nakatakdang makipag-upakan kay Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa Las Vegas, Nevada, katuwang ang Sycuan Ringside Promotions. “To me, it’s pretty huge,” ani Sycuan matchmaker Sean Gibbons. “Here is a guy who is preparing to go on a sevencity tour to promote his fight against Oscar Dela Hoya, but he is willing to come here, sign autographs and do a meet-and-greet. It’s a nice thing for him to do.”
Itatampok rin sa naturang boxing card ang laban ni dating world super flyweight king Brian Viloria (22-2-0, 18 KOs) kay Javier Lagos (15-12-2, 4 KOs) ng Houston, Texas para sa isang eight-round bout. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending