Alcano binanderahan ang all-Pinoy semis sa UAE

Humakot ng dalawang tagumpay si top seed Ronnie Alcano upang banderahan ang all-Filipino semifinals sa Knightshot Champions 9-Ball Challenge na ginaganap sa eksklusibong Sharjah Golf and Shooting Club sa Sharjah, United Arab Emirates.

Pinataob ng 35 anyos na two-time champion si Ismael Yaqoob ng UAE, 10-5 sa Last 16 bago dinispatsa si Rothchild 11-3 sa quarterfinals upang makalapit sa dalawa pang panalo ng isang linggong torneo na magbibigay ng $10,000 papremyo.

Asam ni Alcano, na sumikat matapos mapagwagian ang World Pool Championship sa Manila, ang kanyang unang titulo sapul nang huli itong magwagi sa 2007 World 8-Ball championship sa Fujairah.

“I really want to get out of this slump, and I hope that I could do it here,” ani Alcano.

Susunod na makakaharap ni Alcano ang Middle East- based Pinoy na si Alan Cuartero na nakapasok sa semis makaraang igupo si Mohammad Al Hosani, 11-6, sa Last 8.

Ang isa pang pares ng Final Four ay sa pagitan nina Ricky Zerna at Jarry Pelayo. Umiskor ng isa sa pinakamalaking upset si Zerna nang patumbahin niya ang dating former Asian Games gold medalist na si Gandy Valle 11-6 sa kanilang quarterfinals encounter, bahang ginapi naman ni Pelayo si Mustafa Hasaan, 11-5.

Show comments