Sa wakas nagparamdam ng kanilang presensiya sina GM Wesley So at Darwin Laylo nang magtala ng pares na panalo sa ikalimang round ng fourth Prospero Pichay Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
Si So, na umaasam makabalik sa eksena matapos ang hindi magandang performance sa katatapos na President Gloria Macapagal Arroyo Cup, ay nagwagi kay Li Wang ng China upang makapasok sa pakikisosyo sa ikalima hanggang 13 place na may 3.5 puntos sa 9-round Swiss tournament na ito.
Ang 14 anyos na pinakabatang Pinoy GM, na nakatakdang maglaro sa board 1 para sa Philippine Team sa World Chess Olympiad sa Dresden, Germany, ay may tatlong panalo, isang draw at isang talo.
Sa kabilang dako, si Laylo, na nakuha ang ikalima at huling slot sa Dresden-bound national team, ay nanaig kay IM Aleksander Wohl ng Australia upang samahan sina So, GM Mark Paragua at pito pang dayuhang players na may 3.5 puntos.
Si Paragua, ang second highest-placed Pinoy sa PGMA Cup at miyembro ng RP team na lalahok sa World Mind Games sa Beijing China sa susunod na buwan, ay nakuntento sa mabilis na draw kay 4th seed GM Ghaem-maghami ng Iran matapos lamang ang 10 moves ng Philidor.
Ang tatlong Pinoy ay may isang buong puntos sa likuran ng nagsosolong lider na si GM Li Shilong ng China at may kalahating puntos na distansiya kay second seed GM Zhang Zhong ng Singapore, GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia at GM Saidali Iuldachev ng Uzbekistan.
Si Li, isa sa 13 dayuhang GMs sa 68-player na kalahok, ay sinorpresa si top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan sa 34 moves ng Gruenfeld para sa kabuuang 4.5 points na siyang namumuro sa premyong $5,000.
Tinalo ni Zhong si GM Konstantin Shanava ng Georgia sa 53 move ng Sicilian, dinaig ni Mchedlishvili si IM Richard Bitoon sa 41 moves ng Queen’s Indian at iginupo ni Iuldachev si GM Jayson Gonzales sa 44 moves ng Pirc upang makisosyo sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto na may 4 puntos.
Bukod kina So, Laylo at Paragua, ang iba pang kilalang Pinoy players na nanatiling buhay ang pag-asa matapos ang ikalimang round ay sina GM Buenaventura “Bong” Villamayor,na pinayuko si Haridas Pascua sa 36 moves ng Budapest; IM Rolando Nolte, na nanaig kay Hamed Nouri sa 45 moves ng Modern Defense; IM Julio Catalino Sadorra, na dinimolisa si Ernesto Fernandez; IM Barlo Nadera, na naungusan si IM Oliver Dimakiling; IM John Paul Gomez, na nakipaghatian kay GM Nguyen Anh Dung ng Vietnam; IM-candidate Kim Steven Yap, na nakipag-draw kay GM Susanto Megaranto ng Indonesia at IM Ronald Bancod, na nakipaghatian ng pun-tos kay GM Dao Thien Hai ng Vietnam.