Thomson, bagong PSC commissioner

Sampung araw na lang ang nalalabi at magsisimula na ang Beijing Olympics, isang malaking pagbabago ang naganap sa opisina ng Philippine Sports Commission.

Inihayag kahapon ng Malacañang ang pagkakahirang kay Gillian Akiko Thomson bilang bagong commissioner kapalit ni Jose Y. Mundo.

At pagkakahirang kay Thomson ay isang hakbang ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasaayos ng ahensiya sa paghahanda ng bansa sa Olympics at maging sa 2009 Southeast Asian Games sa Laos, First Youth Olympics sa 2010 sa Singapore at maging sa 2012 Summer Olympic Games sa London, United Kingdom.

Si Thomson ay isang mahusay na swimmer na ipinanganak sa Amerika sa isang Amerikanong ama.

Naging bahagi ito ng Team Philippines noong 1991 Southeast Asian Games kung saan humakot ito ng dalawang gintong medalya (100M at 200M backstorke events) at 2 silvers (50M at 100M freestyle events).

Pumalaot din siya sa Olympics noong 1992 sa Barcelona, Spain.

Sa kasalukuyan, siya ang Secretary-General ng Philippine Amateur Swimming Association hanggang sa pagkakahirang sa kanya ng Malacañang kahapon makaraang pirmahan ng Pangulo ang kanyang appointment.

Pinasalamatan ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez si Mundo sa kanyang naging mahalagang kontribusyon sa Philippine sports at buong pusong tinanggap naman si Thomson na maging bahagi ng PSC team. (Dina Marie Villena)

Show comments