Tiba-tiba ang mag-uuwi ng Olympic gold

May P10.5 milyon ang naghihintay para sa atletang mag-uuwi ng Olympic gold matapos mangako ang construction magnate na si Reghis Romero II at ang kanyang anak na si Mikee Romero ng Harbour Centre, ng karagdagang P1 milyon bilang  cash reward.

Ito ang napag-alaman kay Bacolod Rep. at RP Chief de Mission Monico Puentevella, na personal na humingi ng suporta sa dalawang  sportsmen upang bigyan ng higit na inspirasyon ang 15 na atletang sasabak sa Beijing Olympics sa Agosto.

Magbibigay ang pamahalaan ng P5 million cash incentive na nakasaad sa batas habang ang iba pang nangakong magbibigay ng cash reward ay ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, ang business tycoon na si Lucio Tan.

Mayroon ding P1 million mula Microsoft, P1 million mula sa No Fear at P500,000 mula sa My Olympic Game na fund raising campaign ng Philippine Sportswriters Association, Brickroad Gym at Aspen Spa.

“As a sportsman myself, it’s also my dream to see a fellow Filipino win a gold medal. I just hope our little contribution will fire them up to conquer the odds,” pahayag ng nakatatandang Romero, may-ari ng  R2 Builders.

Naniniwala naman si Mikee na may kakayahang magbigay ng surpresa ang mga atletang Pinoy.

“It’s just our own little way to help our athletes who have been training religiously throughout the year. It will be our great pride and honor if one of them will bring home the gold medal,” ani Mikee.

Kabilang sa RP team na sasabak sa Beijing ay sina Henry Dagmil at Marestela Torres (athletics), Mark Javier (archery), Harry Tanamor (boxing), Sheila Mae Perez at Ryan Fabriga (diving), Eric Ang (shooting), Miguel Molina, James Walsh, Daniel Coakley, Ryan Arabejo at Christel Simms (swimming), Marie Antoinette Rivero at Tshomlee Go (taekwondo) at Hidilyn Diaz (weightlifting).

Show comments