Bumangon ang world no.1 na si Dennis Orcollo mula sa pagkakabaon sa limang racks upang igupo ang kababayang si Ramil Gallego, 11-9, at maka-usad sa semifinals ng 2008 Qatar International 9-Ball Championship na ginaganap sa Qatar Billiards and Snooker Federation dito sa Doha.
Hindi sumuko si Orcollo kahit na nabaon sa 2-7 at matiyaga siyang naghintay ng pagkakataon para sa kanyang come-from-behind victory sa $150,000 (P6.75-million) event na ito.
Kinuha ng 29-gulang na Surigao del Sur native, sinuportahan ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Sen. Manny Villar, ang anim sa sumunod na pitong racks upang itabla ang iskor sa 8-all at sinimot din niya ang mga bola sa 17th game ngunit hinayaan niyang makatabla si Gallego kabilang sa Negros Billiards Stable ni Jonathan Sy sa 9-all.
Kinuha ni Orcollo, galing sa runner-up finish sa nakaraang First Senate President Manny Villar Cup Cebu Leg, ang sumunod na dalawang racks at dalawang panalo na lamang ang layo sa $40,000 (P1.8-million) top purse.
Susunod niyang makakalaban ang world 8-ball champion na si Ralf Souquet ng Germany, na nanalo sa dating world titlist na si Alex Pagulayan sa 11-9 din.
Maghaharap naman sa isa pang Final Four match sina former world 10-ball champion Shane Van Boening ng United States at world no. 2 Neils Feijen ng Netherlands.
Tinalo ni Van Boening si German Thomas Engert, 11-9, at pinabagsak ni Feijen si Japanese Oi Naoyuki, 11-7.