Malinaw na ngayon para sa Red Bull ang kanilang pag-asang makakuha ng ikalawa at huling outright semifinal slot sa 2008 Smart PBA Fiesta Conference.
Taglay ang 10-6 kartada, may dalawang tsansa ang Bulls na makakuha ng awtomatikong semi-final ticket tulad ng league leader na Air21 na nagtapos na may 12-6 kartada.
Isang linggo na ang nakakaraan nang huling maglaro ang Red Bull kung saan tinalo nila sa ikawalong sunod na pagkakataon ang Welcoat, 103-90.
Wala pa silang ideya kung ano ang kanilang magiging tsansa sa outright semis slot noon ngunit matapos panoorin ang galaw ng ibang teams at ng team standings, may dalawang pagkakataon ang Bulls na makadiretso sa semis at makaiwas sa quarterfinal round.
Ang una ay ngayong alas-7:20 ng gabi kontra sa Talk N Text na siyang tampok na laro ngayong araw sa Araneta Coliseum sa penultimate day ng double round classification phase.
Ito sana ang huling laro ng Red Bull ngunit ang kanilang huling asignatura ay kontra sa Sta. Lucia sa Linggo, ang nakanselang laro nang nanalasa ang bagyong ‘Frank.’
Aasahang muli ng Red Bull ang kanilang import na si Adam Parada na ngayon ay mapapatapat kay Terrence Leather ng Phone Pals. Sa unang pakikipagkita ng Bulls sa Talk N Text kung saan naitala nila ang 103-92 panalo, kasama pa nila si Aaron McGhee.
Kung magtatagumpay ang Bulls, tuluyan nang maglalaho ang inaasahang pag-asa ng Coca-Cola (10-8), Magnolia (10-8), defending champion Alaska (9-8) at Ginebra (8-8) sa automatic semis slot.
Nakatakda namang sagupain ng Gin Kings ang sibak nang Welcoat (4-13) sa pambungad na laro sa alas-4:50 ng hapon.
Naghahabol naman ang Phone Pals na may 8-9 record sa tatlong awtomatikong quarterfinal slot para makaiwas sa wild card phase kung saan paglalabanan ang ikaapat at huling quarterfinal ticket. (MBalbuena)