Makabawi sa nakaraang pagkatalo upang humigpit ang kapit sa liderato ang pakay ng Red Bull na sasagupa ngayon sa CocaCola na magpaparada ng bagong import sa pag-usad ng PBA Fiesta Conference sa Ynares Centre sa Antipolo City.
Nasa liderato ang Red Bull taglay ang 7-3 win-loss slate kasunod ang Talk N Text na may 7-4 record.
Kahit maganda ang ipinakita ni import Gee Gervin, nagdesisyon ang Coke na palitan ito dahil naging ‘available’ na ang kanilang first choice na si Donald Copeland.
Inaasahang ipaparada ng Tigers, may 6-4 record katabla ang Air21, ang 5-foot-10 na si Copeland bilang kapalit ni Gervin na pumalit naman sa na-injured na si Calvin Cage.
Sa ikalawang laro, maghaharap naman ang Sta. Lucia Realty at ang Welcoat sa alas-7:20 ng gabing sagupaan.
Taglay ng Realtors ang 5-4 kartada habang ang Welcoat ay ikalawa mula sa ilalim ng standings sa kanilang 3-7 marka.
Pare-parehong talo ang apat na teams na ito sa kani-kanilang nakaraang asignatura.
Natalo ang Coke sa Air21, 88-104, yumukod ang Red Bull sa Alaska, 90-101, sumadsad ang Realtors sa Phone Pals, 80-90, at bumagsak ang Dragons sa Ginebra, 70-105.(MBalbuena)