Nakakaawa din itong si Randy Holcomb na siyang import ng Alaska sa kasalukuyang PBA-Smart Fiesta Conference.
Kasi nga’y marami ang nagsasabing dapat na siyang palitan sapagkat siya ang dahilan kung bakit hindi makaahon ang defending champion Aces na ngayon ay nasa ikasiyam na puwesto at may dalawang panalo pa lamang na naitatala sa walong games.
Tuwing mai-interview si Alaska Milk coach Tim Cone ay palagi na lang itinatanong kung bibitiwan na nila si Holcomb o hindi. Kung sino ang kukuning kapalit ng Aces.
Sa tutoo lang ay marami na ring mga pangalang lumutang. May nagsabing noong All-Star break ay kinukunsidera ng Alaska na kunin din si Chris Alexander na napunta sa Barangay Ginebra. At ngayon ay may nagsasabing isang dating miyembro ng Puerto Rican National team ang kukunin ng Alaska Milk.
Pero sa tutoo lang, buhos ang laro ni Holcomb at nais niyang magtagal sa PBA. Ito nga kasi ang kanyang ikalawang tour-of-duty sa PBA kung saan una siyang naglaro para sa Talk N Text Phone Pals at hindi din siya nagtagal doon.
Kapag pinalitan siya ng Alaska, natural na masama na ang magiging reputasyon niya sa Philippine basketball scene.
Pero case-to-case basis nga si Holcomb. Ayon sa mga insiders sa Alaska, ang laro ni Holcomb kontra Pure-foods Tender Juicy Giants noong Sabado sa Calape Sports Center sa Bohol ay gagamiting basehan kung mananatili pa siya o hindi.
Kaya naman parang magpapakamatay si Holcomb sa game na iyon at maganda din naman ang kanyang naging performance. Kaya lang ay nagtamo siya ng cramps sa endgame at kinailangang palitan. Sa puntong iyon ay may 24 puntos na siya.
Well, natalo ang Aces sa Purefoods, 88-78.
Ang kabiguan bang iyon ay gagamitin laban kay Holcomb?
Puwede. Puwedeng hindi.
Kasi nga, ginawa naman ni Holcomb ang kanyang makakaya. Kinapos lang siya at pati na rin ang locals ng Alaska.
Pero dahil mas madaling magpalit ng import kaysa magbalasa ng local line-up sa kalagitnaan ng isang torneo, malamang na palayasin na nga si Holcomb at sumugal sa iba ang Alaska. Tutal nga naman ay nasa kalagitnaan pa lang ng elimination round at may sampung games pa’ng natitira. Kahit makakuha ng import na wala sa kundisyon ang Aces, puwede pa itong magpakundisyon habang naglalaro dahil mahaba pa ang torneo.
At sana, kapag nagpalit na ng import ang Alaska, umangat din ang performance ng mga locals.