Sisimulan ng Nokia RP Youth team ang kanilang kampanyang mabawi ang SEABA junior men’s championship sa pakikipagharap sa defending champion at host team Malaysia sa MABA gym sa Kuala Lumpur ngayon.
Ang game-time ay alas-8:30 ng gabi kung saan determinado ang RP juniors na makagawa ng magandang simula sa opener ng torneo na magsisilbing regional qualifier para sa FIBA-Asia Youth Championship sa Tehran, Iran sa September.
Hindi maaaring matalo ang team dahil single round robin ang gagamitin at ang koponang may pinakamagandang record ay awtomatikong idedeklarang kampeon.
Ang winner at runner-up ang kakatawan ng rehiyon sa Asian championship.
Inihayag ni Coach Franz Pumaren ang kanyang final 12 sa managers’ meeting kahapon at ito ay sina Fil-foreign players Kyle Nicolas Pascual at Norberto Bryan Torres at ang mga homegrown talents na sina Ian Paul Sangalang, Ryan Roose Garcia, Jed Manguera, Jaypee Mendoza, Samuel Joseph Marata, Frank Golla Jr., Mark Joel de Guzman, Joseph Emmanuel Tolentino, Gabriel Banal at Joseph Terso.
Umaasa si Tao Corp. president Jun Sy, ang No. 1 backer ng team na ang dalawang linggong training ng RP juniors sa United States at ang kanilang kampanya sa PBL Lipovitan Amino Sports Cup ay sapat na para sa kanilang kampanya sa torneong ito. (Nelson Beltran)