Alcano pasok sa knockout stage

Bumangon si defending champion Ronnie Alcano mula sa pagkakabaon ng tatlong racks upang hugutin ang come-from-behind 8-6 victory laban kay Chinese Liu Haitao sa 2008 World 8-ball Championship sa Amir Billiards Club sa Fujairah City, United Arab Emirates nitong Sabado ng gabi.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Alcano na naunang nanaig sa Guatemalan na si Carlos Talavera na dinurog niya sa 8-1 iskor, para makapasok sa knockout stage.

Masama ang tumbok ni Alcano sa umpisa na siyang sinamantala ni Liu para kunin ang 5-2 kalamangan ngunit hindi nasiraan ng loob ang 35-gulang na Pinoy cue artists at kunin ang anim sa sumunod na pitong  racks tungo sa kanyang panalo.

“Mabigat na kalaban si Liu kaya talagang kailangang galingan ko para talunin siya,” wika ni Alcano, ang unang player na nakapasok sa round of 32. “Masaya ako na nakalampas na ako sa Group Stage at nasubukan ko ang laro ko. Mahaba pa ito kaya one game at a time lang.”

Nagposte rin sina Dennis Orcollo at Roberto Gomez ng magkatulad na 8-4 panalo laban kina local bet Muhammed Al Hosani at South African Craig Bouwer ayon sa pagkakasunod kamakalawa.

Kasalukuyan pang nakikipaglaban ang mga Pinoy bets na sina Elvis Calasang na nanalo din noong opening day, Gomez, Antonio Gabica at ang di inaasahang pagkakatapat nina Warren Kiamco  at Jeff De Luna habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments