Sisikapin ni Ronnie Alcano na maging unang cue artist sa loob ng 17 taon na makakapagdepensa ng world title sa pagsisimula ng former double world champion ng kanyang kampanya sa 2008 World 8-Ball Championship ngayon sa Amir Billiards Club sa Fujairah City, United Arab Emirates.
“Ready na ako,” ayon sa 35-gulang at bunging kabilang sa star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano, na sumikat matapos manalo sa World 9-Ball. “Pinaghandaan ko ito at gagawin ko lahat para madepensa ko ang titulo. Alam kong mahirap pero kumpiyansa ako na kaya ko,” dagdag pa ng naging World 8-Ball at World 9-Ball sa isang taon lamang.
Si American Earl Strickland ang nakapagdepensa ng World title matapos manalo sa World 9-Ball noong 1990 at 1991.
Makakasama ni Alcano ang mga kapwa Bugsy boys na sina current world no.1 Dennis Orcollo, 2007 World Pool runner-up Roberto Gomez at rising star Joven Bustamante sa kampanya ng mga Pinoy sa eight-day event na lalahukan ng 64 world best cue artists.
Tulad ni Alcano, binigyan si Orcollo, kagagaling sa panalo sa San Miguel Beer-Quezon City 9-Ball Championship at Japan 9-Ball Open, ng outright seeding ng mga organizers sa kanyang runner-up finish noong nakaraang taon habang sina Gomez at Bustamante ay dumaan sa mabigat na hamon sa mga qualifying tournaments para makapasok sa main draw.